Kung para sa totoong pagbabago ang hangarin mo sa pagtakbo sa eleksyong ito, bakit sa huli, isa isa kayong nagstapler ng pera sa inyong pangalan?Marahil ganun lang talaga kayo kayaman at walang mapaglagyan ng pera kaya pinamigay na lang. Pero hayaan na kung saan galing ang mga perang yan. Ang isipin kung bakit kailangan nyo pang bilhin ang boto ng tao ay sapat na para magtae ang bolpen ko.
Kung alam mong ikaw ay karapatdapat manungkulan, bakit ka makikipagsabayan sa mga kalaban mo? Bakit sa lahat ng araw ng pagpapagod mo sa pangangampanya, sa paglalatag ng makataong plataporma, sa pagsasabing matwid ka, ngayon sa huling araw ay nagpahulog ka, sumabay sa agos ng kurapsyon? Bakit ka bumibili ng boto!
Maaaring para sa iyo, payak na pagtumbas lamang yan sa mga katunggali mo, pero para sa akin nagiging malabo na ang sinasabi mong pagbabago. Dahil sa dalawang maliit na butas sa papel na hawak ko, kitang-kita ko na ang kinabukasan ng Pilipinas sa susunod na anim na taon.
Hindi na rin ako nagtataka kung bakit umaga pa lang napakaraming tao na ang nag-aabang sa kalsada. Tingnan mo, gabi na nadyan pa rin sila. Tsk. Malamang nagaantay sa baluktot mong pangako.
Nakakawalang gana. Kahit na una pa lang alam ko nang palpak, excited pa rin naman ako sa electronic election na yan. Dahil unang beses kong boboto. Sana mabilang ang boto ko. Dahil bukas boboto ako bilang taong malaya. Boboto ako bilang taong hindi bayad.
Kung masyadong magarbo ang wish kong yan at imposible, eto na lang:
Sana wag mareject ang balota ko ng PCOS Machine nyo.
Kahit yan na lang. Kahit di ko na alam kung saan mapupunta yon pakatapos.
No comments:
Post a Comment